(Kunyari Maala-ala mo Kaya)
Tulad ng nasa TV, wala naman talagang kinalaman ang pamagat sa blog-entry ko.
Dear Ate Charo,
Dahan-dahan kong itina-type ang mga salita dito sa screen.. Dahil alam kong dahan-dahan mo rin itong babasahin.
Itago mo nalang ang taong idinedate ko sa pangalang "V". Hindi ko na kailangang itago ang pangalan ko dahil obvious naman na blog ko ito...
Matagal-tagal ko na ring nakasama si V. Ipinilit ko sa sarili kong nakapag-moveon na ako. Inidedeny ko dati sa sarili ko na hindi ko pa rin makalimutan si Canary. Naging masaya ako kay V. Movie. Kape. Movie. Kape. Oo. Masayang uminom ng Kape. Try mo!
February 12, napagisip-isip ko na walang patutunguhan 'to. Oo, masaya ako sakanya, and masaya rin siya saakin. Pero kung gusto ko talagang makapagmove-on, kailangan ko munang ayusin sarili ko. Sa nangyayari kasi, linoko ko lang siya.- linoloko ko rin sarili ko. Dahil yun nga..., sobrang gasgas na ng linyang ito, pero: Mahal ko pa rin si Canary. (osige tawa tayo, Ha... Ha... Ha...). [Siguraduhing mabagal pa rin itong binabasa]
February 14, pinili kong maging mag-isa. Hindi ako nakipag date. Sumama lamang ako sa bestfriend kong si Hannah Mariz Dela Guerra.
Pagkatapos ng aking huling klase nung araw na iyon; PE, may nakita akong tao na hindi ko inaasahang nakaupo doon.- At hindi ikaw iyon ate Charo. Si Canary. Hinintay niya akong matapos ang PE ko. Matagal-tagal ko na ring hindi nakikita ang ngiting uhhh... "iningiti" niya saakin. Linapitan ko siya. Dahan-dahan. (Joke. Naglakad ako casually papunta sakanya). Pagkaupo ko, nagusap kami...Matagal ko rin siyang hindi nakakausap. Napakasaya ko noon. Kahit na pakiramdam ko'y may iba na siya...
at dahil nga ang pamagat ng entry na ito ay napaka labo, hindi ko na babanggitin ang napagusapan namin. Hayaan nalang nating lumutang ang inyong imagination. Para sa mga chismosang gusto talagang malaman, sige, ang topic namin e tungkol sa mga Dinosaurs. Oo. Bahala na kayong maniwala...
February 14 gabi, habang ako'y nasa shower, napaisip ako ng malalim na malalim. Ano ba talaga ang dapat kong gawin? Napatagal ako dun. Hindi ko napansin na natunaw na ang sabon at nangungulubot na ang balat ko... Matapos maligo, tinext ko si V. Sinabi ko sakanya na hindi ko na kaya ito. Humingi ako ng tawad. Hindi ko na kayang magpakita pa sakanya... Ngunit nagmakaawa siya noong gabing iyon.. Na sana mapagbigyan ko siya at magkita kami. Kahit sa huling beses nalang. Dahil may utang pa ako sakanyang MRT Stored Value. Dahil may surpresa siya saakin. Kahit alam niyang wala na akong planong ipagpatuloy ang thing namin, nais pa rin niyang ituloy ang surpresang ito.
February 15, Naglalakad sa Cafeteria.. Hindi ko inaasahang magmemessage saakin si Canary noong araw na iyon. At dahil wala siyang load, Chikka Messenger ginamit niya.. Nung una'y naexcite ako dahil nagtext siya... Pero sumama ang loob ko kahit 2.50 pesos ang presyo ng isang reply.. Sayang unli ko. Sabi niya tumingin ako sa likod dahil andoon siya. Tulad ng isang teleserye, dahan-dahan akong lumingon at nag slow-motion ang lahat. Siya nga... May kinang-kinang effect pa. Joke. Pasimple akong tumingin. Siya nga... Sinabi niya na may ibibigay siya saakin.
Lumapit ako, tinabihan siya, at umupo. "Lub-Dub" ang tunog ng puso ko noon. Naeexcite na natatakot na nasasaktay. "Lub-Dub... Lub-Dub.. Lub-Dub.. Dubidubidoo dubi doo dub dub.." Joke ule. Inabutan niya ako ng Chocolate. Ang saya ko noon. Pero kunyari pakipot effect. Ate Charo, kung ikaw ang nasa kalagayan ko, diba magpapakipot ka rin?..
Gabi na, itinupad ko ang usapan namin ni V. Pinuntahan ko siya. Naiyak ako sa ginawa niya. Sabi nga nila, "A picture is worth a thousand words". Ayoko nang maglagay pa ng thousand words. Makikita nyo nalang sa pics ang ginawa niya. Naluha ako. Inakap ko siya sa huling beses at nagpasalamat. Lumuluha siya noon habang nakaakap, naiyak ako sa mga salitang binitawan niya... "No to RH Bill" Joke. Sabi niya, "If ever lapitan ka ni Canary at maisipan niyang makipagbalikan saiyo, makipagbalikan ka kasi alam kong mahal na mahal mo siya. You deserve to be very happy kasi napakahirap makahanap ng isang taong tulad mo." Hindi ko na kinaya pa ang moment na iyon dahil alam kong nakasakit nanaman ako ng tao. Nagmadali akong umalis.
Ate Charo, pinili ko po ito. Bahala na. Aasa nalang ule ako.
V, kung nababasa mo man ito ngayon, salamat sa pagiintindi.
PS. Lahat ng Color BLUE na font ay joke lamang. Ito'y isinaksak ko para hindi maging boring ang kwento.
PS2. Iugnay ang Pastillas sa kwento.